Hindi sa senador, kung hindi pagka-alkalde ng Naga City ang posisyon na aasintahin ni dating President Leni Robredo sa Eleksyon 2025, ayon kay Liberal Party (LP) president at Albay Representative Edcel Lagman.
“Ang last namin na pag-uusap ay siya (Robredo) ay tatakbo as mayor ng Naga City upang ipagpatuloy ang programa ng kaniyang late husband,” sabi ni Lagman sa virtual press conference nitong Huwebes.
Dating alkalde ng Naga City ang pumanaw na mister ni Robredo, na si dating Interior and Local Government (DILG) secretary Jesse Robredo.
Gayunman, sinabi ni Lagman na tutulong sa kampanya ng magiging senatorial bets ng LP at kaalyadong partido si Leni sa 2025 elections.
Hindi binanggit ni Lagman kung sino ang mga magiging pambato ng LP at kanilang mga kaalyado sa senatorial race.
Sinabi naman ng isang impormante ng GMA News Online na lumipat na ng tirahan si Robredo sa Naga City, mula sa Magarao sa Camarines Sur.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makumpirma mula mismo kay Robredo ang plano niya tungkol sa darating na halalan sa 2025.
Sa darating na Oktubre, magsisimula nang maghain ng kanilang kandidatura ang mga kakandito sa Eleksyon 2025.
Kabilang sa mga iboboto ay 12 senador, mga gobernador, bise gobernador, kongresista, partylist-representatives, mayor, vice mayor at iba pang lokal na posisyon.—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News