Sadya umanong ginagalit ng China ang Pilipinas sa ginagawa nitong panggigipit sa West Philippine Sea para udyukan ang mga sundalong Pilipino na unang magpaputok ng baril, ayon sa Philippine Navy.
“They would like to push us to fire the first shot. ‘Yun ang labanan diyan. You should understand. [The] Chinese thought papatol tayo sa maling paraan,” pahayag ni Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad nitong Huwebes.
Inihayag ito ni Trinidad matapos na masugatan ang pitong sundalo--isa ang naputulan ng daliri-- habang nagsasagawa ng rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sumampa rin ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard sa rigid-hulled inflatable boats ng Pilipinas at kinumpiska ang mga armas ng mga sundalo.
Naglabas din ng mga larawan at video ang mga awtoridad na makikitang armado ng mga patalim at palakol ang mga tauhan ng China.
Ayon kay Trinidad, naayon sa batas ang lahat ng gagawing aksyon ng Pilipinas.
“Our actions will always be guided by the rules of engagement. It will always be within the bounds of international law. We are here to assert our sovereignty. We are here to ensure our sovereign rights are protected,” paliwanag niya.
“[G]agawa siya ng mga paraan na ikaw ang magkakamali... Ano protection mo doon? WIthin the bounds of law dapat lahat ng aksyon mo,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi ni Trinidad na magkakaroon ng kaukulang pagbabago para matiyak na walang tauhan ng Pilipinas ang masasaktan.
“We will do more planning and there will be changes, you will see changes,” saad niya.
Mariing kinondena ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs, ang pinakabagong "illegal and aggressive actions of Chinese authorities that resulted in personnel injury and vessel damage."
Kinondena rin ng Pentagon ng Amerika ang ginawa ng China na tinawag nito na "provocative, reckless, and unnecessary."
Sinabi ni Pentagon Press Secretary Pat Ryder, na patuloy na susuportahan ng Washington ang Pilipinas. --mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News