Timbog ang isang lalaking nagtago ng 17 taon dahil sa pagpatay umano sa kaniyang kainuman na lagi siya umanong binu-bully noon.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, nadakip ang suspek sa labas ng kumpanyang kanyang pinagtatrabahuhan sa Barangay Bel-Air pasado alas-singko ng hapon nitong Martes.
Lumabas ang suspek sakay ng biskleta, pero dito na siya pinalibutan ng mga nakasibilyang pulis.
Hindi na nakapalag ang akusado matapos silbihan ng arrest warrant, saka siya binasahan ng Miranda Rights.
Kabilang daw ang lalaki sa mga most wanted ng Manila Police District (MPD).
Base sa salaysay ng pulisya, 2007 nang mangyari ang krimen, kung saan 24-anyos noon ang suspek nang mapatay ang biktima.
"Ang sinasabi niya nga itong napatay niya na ito ay madalas siyang bully-hin. Habang sila ay nag-iinuman, lumapit itong biktima at 'yun na naman binully siya at nagkaroon sila ng physical confrontation at nabato niya ito sa ulo at ito 'yung naging dahilan kung bakit nasawi 'yung ating biktima," sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesman ng MPD.
Matapos ang krimen, nagtago ang suspek sa ibang lugar at gumamit ng pekeng pagkakakilanlan upang makapagtrabaho bilang janitor.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, na nakabilanggo ngayon sa custodial facility ng MPD.
Ayon kay Ines, hinihintay na lang nila ang commitment order upang mailipat na ang suspek sa Manila City Jail. — Jamil Santos/VDV, GMA Integrated News