Tinutugis ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos magpanggap na Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) enforcer para makapangikil ng sinita niyang motorista sa Makati City.
Sa ulat ni Ian Cruz sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing binabagtas noon ng motorista ang Osmeña Highway, nang parahin siya ng isang lalaking naka-motor dahil umandar siya umano kahit pula ang traffic light.
Ayon sa nagpapanggap na enforcer, imbes na magmulta ng P2,000, puwede nila itong pag-usapan ng motorista.
Ngunit ang motorista, nagduda dahil bukod sa wala siyang traffic violation, napansin niyang wala ring plaka ang motor ng lalaki at hindi rin ito nakauniporme.
Dahil nagmamapilit ang motorista na makita ang ID ng nagpakilalang enforcer, hinayaan na lang siya nito. Agad inalam ng MMDA kung tauhan nila ang nasa video.
Base sa post ng biktima, naganap ang insidente sa kanto ng Osmeña Highway at Arnaiz Avenue.
Sinabi ng MMDA na wala silang nakatalagang enforcer sa lugar, bagay na kinumpirma rin ng mga taga-Barangay Pio del Pilar. Mga unipormadong tauhan lang ng Public Safety Department ang nagmamando sa panulukan.
Wala rin silang ideya kung sino ang lalaki sa video.
Base sa post ng MMDA sa social media, sinabing magbibigay sila ng P10,000 pabuya para sa pagkakakilanlan ng lalaki.
Umaasa ang MMDA na makikipag-ugnayan sa kanila para maipagharap ng reklamo ang mga nabiktima ng lalaki. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News