Nangako si Vice President Sara Duterte na patuloy na niyang itataguyod ang de-kalidad na edukasyon na nararapat para sa mga Pilipino kahit nagbitiw na siya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa kaniyang pahayag nitong Miyerkules, nilinaw ni Duterte na ang pag-alis niya sa DepEd ay hindi umano dulot ng kahinaan kundi tunay na malasakit sa mga guro at mag-aaral.
“Mga kababayan, ang aking pagbibitiw ay hindi lulan ng kahinaan kundi dala ng tunay na malasakit para sa ating mga guro at kabataang Pilipino,” anang pangalawang pangulo.
“Bagama’t hindi ako magpapatuloy na mamamahala sa Kagawaran, patuloy pa rin nating itataguyod ang kalidad ng edukasyon na nararapat para sa Pilipino,” dagdag niya.
Epektibo ang pagbibitiw ni Duterte simula sa Hulyo 19, upang mabigyan ng sapat na panahon ang maayos na pagsasalin ng kapangyarihan sa susunod na kalihim ng kagawaran
Ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cheloy Garafi, tinanggap ni Pangulong ''Bongbong'' Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Duterte.
Tiniyak din ni Duterte na patuloy siyang magiging "ina" ng mga guro at mga mag-aaral.
“Hindi man ako ang tumatayong kalihim ng edukasyon, mananatili akong isang ina---isang ina na nagmamatyag at titindig para sa kapakanan ng bawat guro at bawat mag-aaral sa Pilipinas para sa isang matatag na Pilipinas,” sabi ni Duterte.
Bukod sa DepEd, nagbitiw din si Duterte bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa kaniyang pahayag, ibinida ni Duterte ang ilang sa kaniyang nagawa sa DepEd, kabilang ang paglulunsad ng MATATAG agenda.
Pinasalamatan niya ang lahat ng naging katuwang niya para maipatupad ang mga programa niya sa edukasyon.
“Salamat sa suporta, salamat sa pagiging matatag. The nation will forever be in your debts. Sa dalawang taon nating pagsasama, ang kuwentong nabuo natin, ay kuwento ng kapit-bisig na pagtaguyod sa adhikaing maitatag ang isang bansang makabata at batang makabansa,” saad ni Duterte na hindi na nagpaunlak ng panayam.
Hindi pa malinaw kung sino ang papalit sa mababakanteng posisyon ni Duterte sa DepEd at NTF-ELCAC.— FRJ, GMA Integrated News