Nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, tinanggap ni Marcos ang pagbibitiw ni Duterte sa mga posisyon nito.
Epektibo ang pagbibitiw ni Duterte sa July 19.
Hindi umano nagbigay ng dahilan si Duterte kung bakit siya umalis sa kaniyang mga posisyon.
"She will continue to serve as Vice President. We thank her for her service," ani Garafil sa inilabas na pahayag.
Wala pang impormasyon ang PCO kung sino ang ipapalit sa mga binitiwang posisyon ni Duterte.
Si Duterte at runningmate ni Marcos sa nagdaang Eleksyon 2022 sa ilalim ng koalisyon ng UniTeam.
Kamakailan lang, inihayag ni First Lady Louise ''Liza'' Araneta-Marcos, na "bad shot" sa kaniya si Duterte dahil sa pagtawa umano nito nang pasaringan ng kaniyang ama na si dating Pangulong President Rodrigo Duterte, na "bangag" ang kaniyang mister na si Marcos.
BASAHIN: FL Liza Marcos, sinabing 'bad shot' sa kaniya si VP Sara Duterte
Nangyari ang insidente sa isang pagtitipon kontra sa Charter Change noong Enero sa Davao City.
Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na walang problema sa kanila ni VP Duterte, at wala siyang nakikitang dahilan para magpalit ng kalihim ng DepEd.
Nitong Miyerkules ng hapon, naglabas ng pahayag si VP Duterte na nagkukumpirma ng kaniyang pagbibitiw sa kanilang mga posisyon.
Nilinaw niya na ang pagbibitiw sa kaniyang mga posisyon ay dulot ng tuloy na malasakit at hindi dahil sa kahinaan.
Magkakaroon umano ng 30 araw na palugit sa kaniyang pag-alis upang magkaroon ng maayos na paglilipat ng trabaho sa opisyal na papalit sa kaniya.— FRJ, GMA Integrated News