Arestado ang limang Chinese national at isang Pilipinong sangkot sa pamamaril sa dalawang Chinese national sa Parañaque.
Ayon sa eksklusibong ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, kuha ng CCTV madaling araw kahapon ang pagpasok ang apat na lalaki sa isang condominium unit sa Roxas Boulevard.
Maya-maya, anim na silang lumabas mula sa isang kwarto, at saka sumakay sa elevator at umalis sa gusali.
Namaril na pala sila noon ng dalawang magkapatid na Chinese national.
Isinugod ang dalawang biktima sa ospital, at stable na raw ang kanilang lagay.
Sa tulong ng CCTV at ng intelligence information, nalaman ng Parañaque Police na 10 ang mga suspek: walong Chinese at dalawang Pilipino.
"Meron pa kaming na-receive na report na dalawa sa mga suspek sa shooting incident ay doon nakatira sa kabilang tower lang," sabi ni Tambo Police station commander Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas.
Naging sunud-sunod ang pagdakip sa mga suspek. Magkakahiwalay na inaresto sa Pasay, sa Parañaque, at sa Clark, Pampanga ang limang Chinese nationals at isang Pilipino. Nakuha sa kanila ang dalawang baril, dalawang sasakyan at tatlong motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon, may utang umano ang dalawang biktima sa isang grupo ng Chinese nationals na nagpapautang sa mga casino players.
Apat pa ang tinutugis ng mga awtoridad, kasama ang umano’y "big boss" ng grupo na Chinese national din.
Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, walang indikasyon na may kinalaman sa POGO ang mga suspek, pero iniimbestigahan na rin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang insidente. — BM, GMA Integrated News