Nagbigay ng pahayag si Senate President Francis "Chiz" Escudero sa viral video na makikitang kinuha at uminom si First Lady Liza Araneta-Marcos sa hawak niyang wine glass sa ginanap na Vin d'Honneur kaugnay ng ika-126 taong paggunit sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap sa Malacañang Palace nitong Miyerkules.
"I consider waiting on a lady (first or otherwise) to be gentlemanly," pahayag ni Escudero nang hingan siya ng komento tungkol sa naturang tagpo.
"Maaaring sabihin ng iba na makaluma o parang 'under' pero para sa'kin, hindi kailanman magiging makaluma o di uso, ano man ang itawag ng iba, ang pagiging maginoo at pakikipag-kapwa tao," patuloy ng senador.
Matapos uminom, ibinalik ng Unang Ginang ang naturang wine glass kay Escudero.
WATCH: First Lady Liza Marcos grabs and sips from Senate President Chiz Escudero’s wine glass during yesterday’s vin d’honneur.
— Hana Bordey (@HanaBordey) June 13, 2024
Video from RTVM pic.twitter.com/VlVFGMZVlN
Makikita rin sa video sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Speaker Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Executive Secretary Lucas Bersamin, at iba pang mga opisyal at bisita.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng Palasyo tungkol sa naturang tagpo.
Bukod sa mga opisyal ng pamahalaan, tinatayang 84 diplomats and dignitaries ang dumalo sa naturang pagtitipon. -- mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News