Nasawi ang isang rider matapos siyang magulungan ng isang bus sa EDSA Magallanes sa Makati. Ang biktima, sumemplang muna makaraang masagi ng isa pang motorsiklo.

Ayon sa GTV News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing iniulat ng Super Radyo dzBB na nangyari ang insidente sa southbound lane ng EDSA Magallanes.

Sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktima nang nasagi umano ng isa pang motorsiklo. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, sumemplang ang biktima.

Sa kasamaang-palad, may paparating na bus at nagulungan ang natumbang rider.

Nasa kostudiya ng mga pulis ang driver ng bus, habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Samantala, 19 ang nasaktan nang bumangga sa poste ang isang pampasaherong jeep sa Taytay, Rizal.

Pero bago bumangga sa poste, apat na motorsiklo ang nasagi ng jeep.

Tumakas ang driver ng jeep matapos ang insidente pero sumuko rin siya kinalaunan sa mga awtoridad. --FRJ, GMA Integrated News