Dinakip at ikinulong ang isang tricycle driver matapos siyang ireklamo ng pangmomolestiya umano sa isang 12-anyos na babae sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang pang-aabuso ng 30-anyon na suspek sa biktima noong Lunes sa panulukan ng Antipolo at Makata Street.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi bumibili ng fishball ang bata nang lumapit sa kaniya ang suspek na minamaneho ang tricycle.
Hinikayat ng suspek ang bata na sumama sa kaniya dahil naka-confine sa ospital sa Tondo ang lolo nito.
“At pagdating nga dito sa isang madilim na bahagi dito sa may Antipolo Street sa may Sta. Cruz, Manila, ginawa niya nga 'yung kahalayan dito sa bata na ito. At matapos 'yun, tinakot niya ito gamit'yung isang matulis na bagay na 'pag nagsumbong sa kaniyang ina ay papatayin niya ito," sabi ni Phillip Ines, Spokesperson/Chief, PIO MPD.
Pero nagsumbong ang bata sa pamilya nito, na humingi naman ng tulong sa mga awtoridad. Nadakip ang suspek sa pilahan ng tricycle sa follow-up operation ng Santa Cruz Police Station.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya.
“Hindi ko po talaga pinlano. Inaaya ko po ang bata, pero hindi ko po tinuloy. Kasi noong araw na ‘yun lasing din po kasi ako. Ayaw niya, tinawag niya po ako na kuya tapos nagulat na lang po ako. Hindi ko na lang po tinuloy,” sabi ng suspek.
Pag-amin ng tricycle driver, gumamit siya ng marijuana noong araw ng insidente. Dagdag niya, galit sa kaniya ang ina ng bata na kaniya umanong karelasyon.
“‘Yung tricycle po namin binili po ng papa niya, pinag-aawayan po namin. Para makuha niya ‘yung motor niya siguro ginawan niya na lang ako ng scenario na ganu’n. Gusto na niyang makipaghiwalay sa akin. Ayoko pong makipaghiwalay sa kaniya,” anang suspek.
Sinubukan ng GMA Integrated News na hingian ng pahayag ang ina ng biktima, ngunit tumanggi siya.
Nakabilanggo sa detention facility ng Santa Cruz Police Station ang suspek, na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness at paglabag sa Republic Act 7610.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News