Sa paggunita sa ika-126th taon ng kalayaan ng Pilipinas nitong Miyerkules, inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na tungkulin ng mga Pilipino na pangalagaan ang ating kalayaan at huwag pasisiil sa mga banta at pagsubok na kinakaharap ng bansa.
Pinangunahan ni Marcos ang pagtataas ng watawat at wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta nitong Miyerkules. Kasama sa pagtitipon sina First Lady Louise "Liza" Araneta-Marcos at mga anak nila na sina Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander "Sandro" Marcos at William Vincent Marcos.
Nandoon din ang ilang diplomatikong opisyal mula sa ibang bansa--kabilang sina Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at United States Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson.
"Isang karangalan ang mapabilang sa lahing Pilipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa ating bansa," sabi ni Marcos sa video message.
"At bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa natin ngayon, tungkulin ng bawat isa sa atin na pangalagaan ito at tiyakin na hindi na tayo kailanman magpapatinag sa banta ng pananakot, pananakop at pang-aapi," dagdag niya.
Hinikayat ng pangulo ang mga Pilipino na maging matapang, palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pagharap sa mga pagsubok ng makabagong panahon.
Sinabi rin ni Marcos ang mga bawat Pilipino ang mukha ng "Bagong Pilipinas," at ang bawat mamamayan ay maaaring maging bayani sa sarili nitong paraan.
Sa naturang seremonya, ipinadinig ang tugtugin ng "Bagong Pilipinas" at sinambit ng mga dumalo ang panata.
Una rito, inatasan ng Malacañang (sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 52 ) ang mga ahensiya ng pamahalaan at educational institutions na gawing bahagi ng lingguhang flag ceremonies ang pagpapatugtog ng "Bagong Pilipinas" at panata nito.
Based on the Memorandum Circular 52 signed by Executive Secretary Lucas Bersamin on June 4, the order was made "to further instill the principles of the Bagong Pilipinas brand of governance and leadership among Filipinos."
Ipaglaban ang kalayaan-- Romualdez
Samantala, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na hindi dapat kalimutan ng mga Pilipino na ipaglaban ang kalayaan, hindi lang sa kasarinlan ng bansa, kundi maging sa paglaban sa kahirapan, katiwalian at kawalan ng katarungan.
“Ang kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad. Tayo, bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkuling ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan—hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan,” sabi ni Romualdez na nanguna sa Independence Day celebration sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan nitong Miyerkules.
“Sa araw na ito, hindi lamang natin ginugunita ang kanilang kabayanihan, kundi tinatanggap din natin ang hamon na kanilang iniwan,” patuloy niya.
Idinagdag ni Romualdez na dapat matuto ang mga Pilipino sa aral na iniwan ng nakaraan.
"Sa bawat hakbang natin patungo sa kaunlaran, nawa’y lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno. Sa kanilang tapang at determinasyon, natamo natin ang ating kalayaan," anang lider.
Binigyan-diin niya ang naging mahalagang papel ng Barasoain Church at kabayanihan ng mga taga-Bulacan sa pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansa.
“Nawa’y patuloy tayong magsilbing inspirasyon sa isa’t isa. Sama-sama nating itaguyod ang isang bansang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad,” ayon sa lider ng Kamara de Representantes.
Dumalo sa naturang pagtitipon sa Bulacan ang gobernador ng lalawigan na si Daniel Fernando. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/Tina Panganiban-Perez/ FRJ, GMA Integrated News