Timbog ang dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de edad, dahil sa pagtutulak umano ng droga sa Sampaloc, Maynila. Ang kanilang dahilan, pantustos sa pamilya.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang 16-anyos at 20-anyos na mga suspek sa ikinasang buy-bust operation ng Sampaloc Police Station sa Barangay 484 nitong Linggo.

Sinabi ng mga awtoridad na may nag-tip sa kanila tungkol sa ilegal na gawain ng mga lalaki.

Ayon kay Police Major Geo Calibao, hepe ng Sampaloc Police Station Drug Enforcement Unit, nahuli ang mga suspek matapos magbigay ng senyas ang poseur buyer, kasama ang confidential informant, habang bumili sa kanila ng droga.

Hindi na pumalag pa matapos ma-korner ng pulisya ang mga suspek, na nakuhanan ng apat na sachet ng shabu umano na nasa 25 gramo at may halagang P170,000.

Pantustos sa pamilya at apat na taong gulang na anak ang dahilan sa pagtutulak ng 20-anyos na suspek.

Sinabi naman ng menor de edad na suspek na apat na buwang buntis umano ang kaniyang kinakasama.

Nahaharap sila sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News