Nag-alburoto at sumabog nitong Lunes ng gabi ang bulkang Kanlaon. Itinaas na sa Alert Level 2 ang sitwasyon at nakaranas na rin ng ashfall sa ilang bahagi ng Negros Occidental.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot sa 5,000 meters ang taas ng ibinugang usok ng bulkan.
Nagsimula umanong pumutok ang Mt. Kanlaon dakong 6:51 p.m. Tumagal ito ng may anim na minuto na sinundan ng may kalakasang volcanic-tectonic earthquakes.
"Mayroon din tayong natatanggap na mga reports na sulfur smell at pag-ulan ng abo sa mga pamayanan sa bandang kanlurang bahagi ng bulkan, ito ay bineverify na natin," sabi ni Ma. Antonia Bornas, PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division chief, sa Super Radyo dzBB.
Pinaalalahanan ang mga nakatira sa paligid ng bulkan, kabilang ang mga residente mula sa La Castellana, La Carlota City at Canlaon City, na maghanda at mag-ingat sa ash fall.
Nakikipag-ugnayan naman ang Office of Civil Defense (OCD) sa kanilang regional counterparts sa Western Visayas at Central Visayas kaugnay sa epektong dulot ng pag-aalburuto ng bulkan.
"We are receiving reports of evacuation activities in Negros Occidental. Response teams are being deployed in the affected areas to move the residents to safe places," ayon sa OCD.
"The Provincial DRRMO of Negros Occidental has also raised its Alert Level Status to BLUE and activated its response clusters," dagdag nito.
"As we speak, this is still manageable at the level of the local DRRMOs but we are on full alert and ready to provide necessary assistance if needed. We will provide continuous updates." sabi pa ng ahensiya.
Ang mga residente na pasok sa 4-kilometer permanent danger zone, pinayuhan nang lumikas.
"Sa ngayon, wala tayong indikasyon na lumalala yung activity except na meron po tayong patuloy na paglabas ng plume," ani Bornas.
Ayon sa PHIVOLCS, nakapagtala sila ng walong eight volcanic earthquakes mula 12 a.m. nitong Linggo hanggang 12 a.m. nitong Lunes.
Naglabas din umano nitong Linggo ng 177 tons ng sulfur dioxide ang bulkan.--FRJ, GMA Integrated News