Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinutukan ng baril ng mga sundalong Pinoy na nasa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal ang mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) na kumuha sa rasyon nilang pagkain at itinapon sa dagat sa West Philippine Sea (WPS).
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni AFP chief-of-staff Romeo Brawner Jr., na walang katotohanan na nanutok ng baril ang mga sundalong Pinoy sa BRP Sierra Madre, na inaakusa ng China.
“Nakausap po natin ang mga sundalo natin sa BRP Sierra Madre, hindi nila tinutukan ang mga Chinese. Hindi nila tinaas ang kanilang mga armas para tutukan ang Chinese, hawak-hawak nila (baril) because of the right to self defense,” paliwanag ni Brawner.
Una rito, iniulat ng Chinese state media na dalawang Pinoy na nasa barkong nakasadsad sa shoal ang itinutok umano ang baril sa direksyon ng CCG.
Ayon kay Brawner masyadong lumapit na sa BRP Sierra Madre ang mga tauhan ng CCG na nakasakay sa mga rubber boats.
“Lumapit nang masyadong malapit ang mga Chinese sa BRP Sierra Madre,” sabi ni Brawner.
“Meron tayong rules of engagement na sinusunod. Kapag may ganyan na nakikita nila na maaaring threat they have the right to defend themselves. We have to remember that the BRP Sierra Madre is a commissioned navy vessel and it is authorized to have crew served weapons and individual weapons nung ating mga sundalo,” dagdag niya.
Nang sandaling iyon, nagbabagsak ng rasyon para sa mga sundalo sa barko ang isang eroplano.
May inagaw at kinuhang rasyon ng CCG na para sa mga sundalong Pinoy na pagkain na kinalaunan ay itinapon lang nila sa dagat.
“’Yung isang drop natin kinonfiscate ng mga Chinese. Ginawa nila gamit ang rubber boat o rhib inunahan tayo, kinonfiscate nila, binuksan nila tiningnan kung ano ang laman, at noong nakita na pagkain lang naman, tulad ng sachet ng kape at kung ano-anong food supply, tinapon nila sa dagat,” dagdag pa ng hepe ng AFP.
Muling maghahain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa naturang insidente.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng Chinese Embassy. --FRJ, GMA Integrated News