Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. para maging ganap na batas ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na magtataas sa allowance ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng naturang batas, mula sa kasalukuyang P5,000, magiging P10,000 na ang allowance na matatanggap ng mga public school teacher kada taon na magagamit nilang pambili sa kanilang mga kailangan sa klase.
“Indeed, this new law institutionalizes the provision of an annual teaching allowance and gradually increases it from the current five thousand pesos to ten thousand pesos, which will not be subjected to income tax,” sabi ni Marcos sa ceremonial signing sa Malacañang nitong Lunes.
“And while it might seem inconsequential to those who are already used to having a steady supply of basic materials for work, this amount makes an enormous difference for our beloved teachers and for the students,” paliwanag ng pangulo.
Sa pamamagitan ng naturang batas, umaasa si Marcos na mababawasan kahit papaano ang pasanin ng mga guro sa gastos sa kanilang pagtuturo.
Ikinatuwa naman ni Senador Sonny Angara, isa sa mga may akda ng panukala, na ganap na itong batas ngayon matapos lagdaan ni Marcos.
Ayon sa senador, malaking tulong sa mga guro, gayundin sa mga estudyante ang dagdag na allowance.
"Malaking tulong ito sa mga guro at estudyante specially sa mga nasa liblib na lugar at probinsiya na gipit sa panggastos ang mga pamilya. Maganda pa na hindi na ito bubuwisan kaya buong-buo itong maibibigay sa mga guro," sabi ni Angara. -- may kasamang ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News