Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang paulit-ulit na halayin umano ang menor de edad na anak ng kaniyang live-in partner sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing hindi na natuloy ang pag-a-apply sa trabaho ng suspek nang silbihan ng warrant of arrest ng Masambong Police dahil sa dalawang count ng statutory rape.

Halos dalawang taon na nagtago ang 24-anyos na suspek, kung saan naganap ang krimen noong 2022, ayon sa pulisya.

Ang biktima ang 11-anyos na batang babae na anak ng kinakasama ng nadakip na lalaki.

“Based sa statement ng bata, paulit-ulit na ginawa sa kaniya ‘yung panghahalay nitong suspek. ‘Yung kaanak ng biktima natin na minor, sila po ay nagsampa ng kaso against dito sa suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor, Commander ng Masambong Police Station.

Una ang lalaki sa most wanted persons list ng Masambong Police.

“No comment po,” sabi ng suspek nang tanungin kaugnay sa kaniyang pagkakadakip. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News