Isang babae na tatlong araw pa lamang namamasukan bilang kasambahay ang pinatay sa sakal umano ang amo sa loob ng bahay nito sa General Trias, Cavite.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "State of the Nation," makikita sa CCTV footage na tinakpan ng suspek na kinilalang si alyas "Nessa" ang camera.
Napansin ng biktimang si Ruby Castro na may takip sa camera kaya tinanggal niya ito. Ngunit muli itong tinakpan ni alyas “Nessa,” at dito na maririnig ang isang sumisigaw at tahol ng aso.
Kalaunan, natagpuang wala nang buhay si Castro at lumabas sa autopsy na pinatay siya sa sakal umano.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng pagnanakaw ang motibo sa likod ng pagpatay.
"Tatlo po sila na nagplano. Tinarget po talaga. They had planned it. It is premeditated," sabi ni General Trias Police chief Police Lieutenant Colonel Jose Naparato Jr.
“Ang gamit po sa pagsakal ay isang panyo. At nagtulong po ‘yung si alias Nessa at ‘yung kaniyang manliligaw na si alias Dondon sa pagsakal sa ating biktima,” dagdag niya.
Sa unang pahayag ni “Nessa” sa pulisya, itinuro niya bilang mastermind ang matalik na kaibigan ng biktima.
Ngunit nang makapanayam ng GMA Integrated News, sinabi ni “Nessa” na ang isa pang kasambahay ang tunay na mastermind.
Ang itinuturo ni “Nessa” na isa pang kasambahay, lumapit sa pulisya at itinangging siya ang mastermind.
Sa paghaharap ng mga suspek at mga kaanak ng biktima sa piskalya, muling binawi ni “Nessa” ang kaniyang sinabi.
Ayon sa anak ng biktima, sangkot ang matalik nitong kaibigan sa krimen.
“Araw-araw niya pong kasama at alam niya ang lahat ng kilos ng nanay ko tsaka mga lakad po. Dahil sa pera po,” sabi ni Jaek Palalay, anak ng biktima.
“Sana mapatawad nila po ako. Na-brainwash lang po ako. Kasi po sabi po kasi nila, hati-hati kami para mabigyan ko ng pera ang mga anak ko, magbagong buhay,” sabi ni “Nessa.”
Na-inquest na ang tatlong suspek, na nahaharap sa reklamong robbery with homicide. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News