Nadakip na ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City na ikinasawi ng isang motorista, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

“Naaresto na po ang bumaril dito sa isang road rage case sa  Makati,” sabi ni Abalos sa press conference nitong Miyerkules.

Sakay ng puting multipurpose vehicle (MPV) ang biktima na bumangga sa gilid ng tunnel at tumama sa ilang nakamotorsiklo dakong 2 p.m. nitong Martes.

Ayon sa pulisya, nasa itim na sasakyan ang suspek at bumaril mula sa likod ng bintana ng MPV at tumama sa biktima.

Sa presscon, sinabi ng awtoridad na isang negosyante ang suspek na naaresto sa Pasig City nitong Miyerkules ng umaga, at walang criminal report.

 

 

Dalawag baril din ang nakuha sa suspek na parehong isasailalim sa ballistic examination ng pulisya.
Mahaharap ang suspek sa kasong murder.

Bago ang insidente, nagkagitgitan umano ang dalawang sasakyan, batay sa pahayag ng babaeng sakay sa MPV.

Ligtas ang babae at ang kasama nitong bata.

“Nakita ko si ate hawak hawak niya si baby… Humihingi ng tulong, pinara ako. Sabi ni ate, galing daw silang BGC. ‘Di lang daw sila nagkabigayan sa kalsada, sa daan, ‘yun. Pailalim daw sila, tapos yung Mercedes Benz na kulay itim paakyat daw nung Ayala. ‘Yun, bigla nalang daw po may isang putok lang daw. Tapos ‘yun nakita daw niya ‘yung driver niya nag aagaw buhay na,” ayon sa isang rider na tumulong sa biktima.

Ilang oras ding nagdulot ng pagbigat ng daloy sa trapiko ang insidente nang iproseso ang crime scene at hindi pinadaan ang mga sasakyan sa tunnel.--mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News