Nakunan sa drone video ang mala-pelikulang pagtugis sa isang lalaking holdaper umano, na tila gagambang nagpalipat-lipat sa mga bubong para matakasan ang pulisya sa Quezon City.
Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa drone video ng Quezon City Police District ang pagtakbo sa bubong ng tinutugis na lalaki.
Makikita naman ang pagtakbo ng pulisya sa ibaba na humahabol sa kaniya.
Pagkarating sa bandang ilog, wala nang matakbuhan ang lalaki.
Ilang saglit pa, nabulabog ang mga kalapati nang bumalik ang suspek sa ikatlong palapag ng bahay ng kaniyang nobya upang kumubli.
Sinubukan ng suspek na magtago sa ilalim ng mga unan at kutson, ngunit dito na siya nahanap at nasukol ng mga awtoridad.
Nakuha sa kaniya ang isang .38 caliber na baril at ilang drug paraphernalia.
Sinabi ng QCPD Station 7 na nangholdap ang suspek at kasamahan nito ng apat na katao Biyernes ng gabi kaya naging target nila ito ng kanilang hot pursuit operation.
Unang nadakip ang kasamahan ng suspek sa Harvard Street sa E. Rodriguez, kung saan nilaglag nito ang kinaroroonan ng kasama.
Sa looban ng Ermin Garcia Street natunton ng QCPD ang lalaki.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek sa GMA Integrated News.
Inilahad ng kapitan ng Barangay E. Rodriguez na kilala sa lugar ang salarin dahil ilang ulit na umano itong pumasok sa bilangguan.
Tinutugis ang isa pa sa kanilang mga kasamahan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News