Isang 15-anyos na babae na pupunta sana sa kaklase ang inalok ng isang rider na sumakay sa kaniyang motorsiklo para ihatid. Ang dalagita, pinakain muna sa restaurant bago dinala ng suspek sa kaniyang bahay at doon pinagsamantalahan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nadakip ng mga awtoridad ang suspek sa isang lugar sa Metro Manila. Natunton ang kaniyang pagkakakilanlan dahil sa plaka ng motorsiklo.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naglalakad ang biktima papunta sana sa kaklase para gumawa ng assignment nang harangin siya ng suspek at inalok na sumakay sa motorsiklo para ihatid.
“Pinilit po siya na sumakay sa motor. Sinasabihan siya, marami na akong tinulungan ng mga ganito… Strangers na binibigyan ko ng pera,” kuwento ng ina ng biktima.
Pinakain pa raw ng suspek sa restaurant ang dalagita bago dinala sa kaniyang bahay sa San Mateo, Rizal kung saan nangyari umano ang panghahalay.
Paliwanag naman ng suspek, kusang sumama sa kaniya ang dalagita. Pero inamin niya ang ginawang krimen at humingi siya ng patawad.
“Kasalanan ko rin, nagkaroon kasi ako ng confidence na hindi mangyayari yun kasi maganda pagkakakilala naman ng bata,” pahayag niya nang kausapin habang nakadetine.
Ayon kay PNP-CIDG AOCU chief Police Colonel Ian Rosales, dating salesman ang suspek at may warrant of arrest din sa kasong estafa.
"Sa pag-implement ng arrest, itong suspek nakuhaan siya ng deadly weapon,” sabi ni Rosales.
Nahaharap ang suspek sa reklamong acts of lasciviousness, child rape, at child abuse.
“Hindi natin idi-discount na baka mamaya ano lang ito, gawain na niya ito dati pa. Huwag po tayong maniwala agad sa mga taong di natin kilala,” payo ni Rosales.--FRJ, GMA Integrated News