SInabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na "haka-haka" lang ang paniniwala na mahirap ang buhay ngayon sa Pilipinas.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, binigyang-pansin ni Gadon ang dami ng tao sa mga shopping mall at mga kainan, bukod pa sa dami ng mga bagong sasakyan sa lansangan.
"Sa totoo lang ‘yang mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ngayon ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila 'yan,” sabi ni Gadon sa naturang panayam.
Giit ni Gadon, ang dami ng tao sa mga mall at mga kainan ay nagpapakita ng kakayahan ng mga Pinoy na gumastos.
“Pero ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno. Pumunta ka kahit sa mga probinsya, yung mga branches ng [fast food chains], punong-puno. Ibig sabihin, mataas ang purchasing power ng mga Pilipino,” paliwanag niya.
“Lumabas ka ng kalsada, napakaraming bagong kotse, napaka-traffic. Anong ibig sabihin niyan? Maraming nakakabili ng kotse, which means maganda ang ekonomiya,” dagdag pa niya.
Ayon kay Gadon, mula sa poverty rate na 24.7% noong 2023, bumaba na ito sa 23.4% ngayong taon. Bagaman hindi tinukoy kung saan galing ang datos, sinabi pa niya na 11 milyon ang katumbas ng natapyas na 1.3% sa poverty rate ng bansa.
Ang pagkabawas umano ng kahirapan ay bunga ng pagbubukas ng ekonomiya matapos ang COVID-19 pandemic, pagtaas ng gross domestic product (GDP) sa first quarter, pati na ang pagtaas ng employment rate.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang poverty rate ng bansa sa 22.4% sa first half ng 2023. Kumpara iyan sa kaparehong panahon noong 2021 na nasa 23.7% ang poverty rate.
Wala pang opisyal na datos sa poverty rate sa kabuuan ng 2023 at unang bahagi ng 2024.
Pero sa employment rate, iniulat ng PSA kamakailan na tumaas ang bilang ng mga walang trabaho noong Marso dahil sa epekto ng El Niño phenomenon at African swine fever (ASF) sa agriculture sector.
Ayon sa PSA, nasa dalawang milyon ang mga Pinoy na walang trabaho, na katumbas ng 3.9%, sa 51.15 milyong labor force ng bansa na nasa edad 15 pataas.
Nasa 49.15 milyon naman ang mga Pinoy na may trabaho noong Marso, ayon pa sa PSA.—FRJ, GMA Integrated News