Inihayag ng Department of Health (DOH) na halos 12,000 Pilipino ang nasasawi kada taon dahil sa mga aksidente sa kalsada.
Sinabi ito ni DOH spokesperson Albert Domingo sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing nitong Biyernes kasabay ng paggunita ng Road Safety Month.
“Every year, on average, nasa mga 12,000… na Pilipino ang namamatay dahil sa banggaan, dahil sa pagtawid na nasasagasaan, at ang gumagamit ng motorsiklo, bisikleta, at pati ‘yung mga sumasakay sa tricycle,” ayon kay Domingo.
Sinabi pa ng opisyal na tumaas ang bilang ng mga nasasawi sa aksidente sa kalsada ng 84% mula sa 7,938 noong 2011 na umabot na ngayon sa 11,096.
Pang-walo ang road traffic injuries sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng tao sa buong mundo.
“Ang DOH, ang pananaw niya is mag-improve, gumanda yung ating awareness, understanding, at yung attitude ng ating mga kababayan tungo sa road safety,” sabi ni Domingi.
Payo niya, kung malapit lang ang pupuntahan, mas mabuting maglakad na lang sa halip na gumamit pa ng sasakyan.
Ayon kay Domingo, hangad ng DOH na maibaba sa 35% ang road traffic deaths pagsapit ng 2028 sa pamamagitan ng Philippine Road Safety Action Plan at Inter-Agency Technical Working group sa active transport.
“Ang vision natin is actually a Philippine society with zero deaths on the road,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News