Timbog ang isang babaeng tulak umano matapos masabat sa kaniya ang P680,000 halaga ng shabu mula sa isang bag, na sinabi niyang naglalaman ng beauty products sa Obrero, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ikinasa ng QCPD Station 10 ang buy-bust operation sa isang tabing kalsada ng barangay matapos mabilhan umano ng droga ang babaeng subject.
Itinago pa ng babae ang item sa maliit na kahon, kung saan nakuha ang nasa 100 gramo ng shabu.
Sinabi ng mga awtoridad na malakihan ang operasyon ng suspek sa Quezon City.
Taong 2018 nang unang madakip ang 40-anyos na suspek dahil din sa droga.
Kaniyang depensa, ipinakisuyo lang sa kaniya ng isang kaibigan na iabot ang paper bag na may laman umanong beauty products.
“Hindi po ‘yan sa akin galing, may nag-abot lang po. Iabot ko lang daw po sa babae. Wala pong sinabi,” sabi ng suspek, na itinangging alam niya ang laman nito.
Mahaharap ang babaeng suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News