Dahil sa biglang-taas sa maraming electric bill, may mga consumer na idinaan na lang sa katuwaan ang pagsilip ng kanilang babayaran sa paraan ng "bill reveal." Pero ang mataas na bayarin sa kuryente, posible pa raw magtuloy-tuloy hanggang sa Hunyo.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video ng isang consumer ang kaniyang "bill reveal" na dahan-dahan sinilip ang halaga ng kaniyang babayaran habang may madidinig na tunog mula sa isang TV show.
Ang naturang electric bill, umabot sa P16,000, mula sa P11,000 na binayaran umano noong nakaraang buwan.
Idinadaan na rin lang umano ng ilang magkakaibigan sa tawanan ang mataas na bayarin sa kuryente.
"Pakitaan ng resibo kung magkano, ikaw magkano. Bakit sa 'kin dumoble. Tapos tanungan sa'n kami kukuha [ng pambayad]," natatawang sabi ng magkakaibigan sa Quezon City.
Dahil sa mahal na bayarin, mas kilala raw ngayon si "judith" o due date, kaysa kay "marites" o ang tawag sa tsismosa.
"Si judith talaga ...Hindi na marites, si judith na," sabi pa nila.
Ayon sa isang opisyal ng Philippine Rural Electric Cooperatives Inc. (PREC), baka hindi idaan sa tawanan ang posibleng galit na maramdaman ng iba sa sandaling malaman na tataas ang singil din sa kuryente sa lalawigan.
Sa survey umano ng grupo, 31 power cooperatives, na karamihan ay nasa Ilocos Region at Western Visayas, ang magtataas ng singil.
"Distributor lang sila ng kuryente tagakolekta, taga remit ... worry lang namin hindi maintindihan ng consumers," ayon kay Janeene Colingan, PREC executive director.
May mga electric cooperative na pinag-aaral na umano ang paniningil kahit utay-utay sa mga customer na mahihirapan na magbayad nang buo.
Pero ang Meralco, hindi raw puwede ang naturang plano dahil kailangan din nilang bayaran ang kanilang suppliers.
"The electricity has been consumed. In our case, it's post paid, you consume first before customers pay," sabi ni Meralco spokesperson Joe Zadarriaga.
Ang singil ngayong Mayo ay tumaas dahil umano sa tumaas na transmission charge, taxes, at iba pang charges. Tumaas din ang generation charge, na ginagamit ng Meralco at electric cooperatives para bumili ng electricity supply.
Ayon sa distributors, bumili sila nitong Abril ng electricity mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa mas mataas na halaga.
Ang pagsipa ng presyo sa WESM ay bunga umano ng mga power plant na nagkaaberya kaya numipis ang power supply.
Ayon sa ulat, tumaas ang bentahan ng kuryente sa cooperatives ng 53% sa Visayas at 11% in Luzon. Ang taas sa halaga ng pagbili ay ipinapasa naman sa mga consumer. —FRJ, GMA Integrated News