Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na huhulihin na simula sa Huwebes, May 16, ang mga tsuper ng mga public utility vehicles (PUV) na hindi nagpa-consolidate sa kooperatiba.
Sa panayam ng GMA News Unang Balita, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, na itinuturing nang "kolorum" ang mga PUV na hindi ipina-consolidate ng mga operator sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Nagtapos ang deadline sa consolidation noong April 30, 2024.
“Puwede na kaming mag-flag down bukas and puwede na kaming manghuli ng driver ng sasakyan dahil tapos na rin po ang binigay nating palugit para sa kanila para ‘wag na pong mag-biyahe ‘yung mga hindi pa po nag-consolidate,” ayon kay Guadiz.
Sinabi ni Guadiz na ang mga mahuhuling tsuper ng mga unconsolidated jeepney ay maaaring maharap sa isang taong suspensyon, at multa na P50,000, at maaaring ma-impound ang sasakyan ng 30-araw.
Sa Metro Manila, tinatayang mayroong 1,900 unconsolidated jeepneys na hindi sumama sa PUVMP.
Una rito, pinadalhan ng LTFRB ng show-cause orders ang mga operator at tsuper na hindi nagpa-consolidate ng kanilang PUVs upang hingan ng paliwanag. Mayroon silang limang araw para sumagot.
“Halos lahat napadalhan na since May 2. Namo-monitor naman namin ang pagtanggap nila ng show-cause order,” ani Guadiz.
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang grupo na tutol sa PUVMP pero wala pang desisyon ang mga mahistrado, at wala ring inilalabas na temporary restraining order o TRO para sana makapamasada pa ang mga tsuper na hindi nagpa-consolidate. —FRJ, GMA Integrated News