Kumalas na sa Liberal Party (LP) si dating senador Paolo Benigno "Bam" Aquino IV, at lumipat sa Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino (KANP) na itinatag noon lang 2021.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno, miyembro KANP, napili ng kanilang partido na italaga si Aquino na bagong KANP chairman bilang paghahanda sa Eleksyon 2025.
"Buong pagmamalaki naming inhahayag ang pagtalaga kay dating Senador Bam Aquino bilang chairman ng partido," ani Diokno.
"Mahalaga ang pagkilos na ito kasabay ng pagpapalakas at pagpapatibay ng aming hanay bilang preparasyon para sa 2025 elections. The party is moving in the right direction with the former senator leading the way," dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Aquino, na handa siyang pamunuan ang partido na itinatag lang noong 2021 para suportahan ang pagtakbo bilang pangulo noong 2022 ni dating Vice President Leni Robredo.
May mga miyembro na lokal na opisyal ang KANP pero tanging si Diokno lang ang naging senatorial candidate nila noong 2022 elections.
"It is truly a great honor to lead a party of experienced and dedicated members who share our vision and aspirations for the nation," ani Aquino.
"As we enter another pivotal chapter in our country's political history, KANP will present itself as a viable alternative for Filipinos weary of traditional politics and politicians," dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Albay Representative Edcel Lagman, LP president, na makatutulong ang paglipat ni Aquino sa KANP sa pagpapalawak ng alyansa ng LP sa mga cause-oriented party.
“I wish Senator Aquino the best as he takes on this new challenge of leading some of the country’s political young bloods who have emerged as the faces of good governance in Philippine politics,” ani Lagman.
Inayunan naman ito ng mga dating kapartido sa LP ni Aquino na sina Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at dating Sen. Leila de Lima.
“Masuwerte ang KANP dahil nakilala si Bam sa kanyang matibay na dedikasyon, tapat na paglilingkod at puso para sa taumbayan noong kasama pa namin siya sa LP,” ani Pangilinan.
“I am confident that Senator Bam will turn KANP into a political party to reckon with and carry it to even greater heights amid an uncertain political landscape and other challenges,” pahayag naman ni De Lima.
Si Bam Aquino ay pinsan ng namayapang dating pangulo na si Benigno "Noynoy" Aquino III, na naging lider ng LP. —FRJ, GMA Integrated News