Ipina-deport pabalik sa China ang 167 mga Tsino na arestado sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang POGO hub sa Bamban, Tarlac noong Marso.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing tinipon magdamag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Pasay ang mahigit 100 na mga dayuhan na dinakip sa Zun Yuan Technology Inc. dahil sa pagkakasangkot umano sa mga ilegal na aktibidad online.
Front ng mga Tsino ang pagiging POGO workers na mga scammer pala.
Ayon kay Dr. Winston Casio, spokesperson ng PAOCC, nagpakilala ang mga Tsino na mga customer service representative, ngunit lumabas sa imbestigasyon na nagsasagawa sila ng mga investment scam, love scam at cryptocurrency scam.
“Basically sa ilalim ng legal na POGO nagtatago ‘yung mga scamming activities ng Zun Yuan. Kaya lahat po ng mga itong ide-deport natin ay scammers po lahat itong mga ito,” sabi ni Casio.
Pasado 4 a.m. pa nang iproseso ang mga dayuhan ng mga taga-PAOCC, saka sila pinapila habang dala-dala ang kanilang mga maleta.
Pinabalik ang mga Tsino sa Shanghai, China para harapin ang mga kasong isasampa sa kanila ng Shanghai Police Station.
Sa Shanghai rin sila sasampahan ng kaso dahil naroon ang mga nagrereklamo para sa mga kasong cybercrime at internet fraud.
Nakarating ang mga dayuhan sa NAIA Terminal 1 pasado 6 a.m. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News