Isang 79-anyos na senior citizen ang inaresto ng mga awtoridad sa Quezon City dahil sa pagkakasangkot sa umano'y panggagahasa ng isang menor de edad sa Misamis Occidental.
Bitbit ang arrest warrant, nagtungo ang mga tauhan ng Quezon City Police District sa isang bahay sa Barangay Pansol at doon na inaresto ang suspek, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, commander ng Anonas, QC Police Station, inilabas ng Regional Trial Court ng Misamis Occidental ang arrest warrant.
Noong Abril 2020 raw nangyari ang umano'y panggagahasa, at ang biktima ay ang 9-anyos na batang babae na kapitbahay ng suspek.
Matapos daw ang insidente ay nagtago ang suspek sa Metro Manila kung saan siya nanirahan ng apat na taon.
Ika-anim na most wanted daw ang suspek sa Misamis Occidental.
Itinanggi naman ng suspek na ginawa niya ang nasabing panggagahasa.
"Wala 'yun, sir. Wala akong [ginawa] sa babae. Kung 'yun ang pinaniniwalaan nilang ginawa ko, wala na tayong magagawa," aniya ng makapanayam ng GMA Integrated News sa police station.
Ayon sa pulisya, nahaharap sa kasong statutory rape ang suspek.
Nakapag-return of warrant na ang pulisya sa korte.
Inaasahan namang ibibiyahe na ang suspek sa Misamis Occidental para maiharap sa korte. —KG, GMA Integrated News