Mula sa iba't ibang karatig na lalawigan, nagtungo sa tanggapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Maynila ang nasa 1,000 katao na napaniwalang makakakolekta sila ng tig-P1 milyon mula sa tinatawag na nag-mature na "public account."

Sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing kusang nag-alisan na rin ang mga tao nitong hapon matapos na dumagsa sa harapan ng tanggapan ng BSP kaninang umaga.

Pumayag ang mga tao na umalis matapos silang kausapin ng kinatawan ng BSP at Manila Police District, at ipinangako na ipaabot nila sa mga opisyal ng BSP ang dala nilang sulat.

 

 

Sinabi ng ilan sa mga taong pumunta sa lugar ang nanggaling pa umano sa Region 1, 2 at 4-A, na nangutang lang ng pera para kanilang pamasahe o pang-upa ng sasakyan para makarating sa Maynila.

Umasa sila na makakakuha sila ng ipinangakong malaking halaga ng pera na ilalabas ng BSP.

Isang nagpakilalang Gilbert Lagre ng Democratic and Republican Guardians Philippines Inc., ang nagsabing nag- "mature" na umano ang tinawag nitong "public account" na trilyong piso ang halaga na ipinagkatiwala sa BSP kaya dapat nang ibalik sa mga tao para mapakinabangan at matapos na ang kahirapan.

Sa hiwalay na ulat ni Carlo Mateo, nilinaw ng BSP sa isang pahayag na hindi direktang namamahagi ng pera ang ahensiya sa mga tao.

Kaugnay ito ng kahilingan ng grupong nagtungo sa kanilang tanggapan na dapat na ilabas na ng BSP ang sinasabing P100 trilyon.

 

 

Ayon sa BSP, dibidendo ang kanilang ibinibigay sa pamahalaan para makapag-ambag sa mga programa nito.-- FRJ, GMA Integrated News