Nasawi ang isang lalaki habang dalawa ang sugatan matapos silang saksakin ng lalaking kanilang pinagtulungang gulpihin sa labas ng isang restobar sa Navotas City. Depensa ng suspek, ipinagtanggol lamang niya ang sarili.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood na naganap ang komosyon sa bungad ng isang restobar sa Barangay NBBN mag-7 ng umaga ng Martes.
Maya-maya lang, umabot na sa kalye ang komosyon kung saan pinagtulungan ng isang grupo ang isang lalaki.
Sa isang pagkakataon, pinukpok pa ng helmet ang lalaki.
Sunod nang nakunan sa CCTV na tumatakbo palayo ang lalaki sa lugar kung saan siya pinagtulungan ng grupo. Humantong na pala ito sa pananaksak.
Nasawi ang 28-anyos na lalaki na nagtamo ng saksak sa dibdib at leeg, habang sugatan ang dalawa niyang kasamahan na mga 21-anyos.
Hindi pa malinaw kung nanaksak ang suspek noong pinagtutulungan siya.
Ayon sa pulisya, nagba-bar hopping ang mga biktima nang magkabanggaan sila umano ng suspek sa labas ng isang bar, at nagtalo sila sa loob.
Paglabas ng mga biktima, biglang may hinugot na kutsilyo ang suspek at walang habas na nanaksak umano.
Nadakip sa isinagawang follow-up operation sa kaniyang tirahan sa Barangay NBBS ang 29-anyos na suspek, na positibong kinilala ng mga saksi.
Pangalawang beses nang nadakip ang suspek na nadawit na rin dati sa away at nakasuhan ng physical injuries.
"Pagkatapos kong uminom, pauwi na ako. Hindi ko alam pala na nakursunadahan na pala nila ako. Ako lang po 'yun mag-isa. Hindi ko alam, paglabas ko ng bar, doon na pala nila ako inaabangan. Kaya 'yung ginawa ko sa sarili ko, pinagtanggol ko ang sarili ko, self-defense ang ginawa ko," depensa ng suspek.
"Unang una, binanatan ako eh, pinaghahampas ako ng helmet, tapos binangga ako ng motor. Ako lang po mag-isa, wala akong kasama," dagdag niya.
"Hindi ko na po alam kung sino ang nag-abot sa akin noon," sabi ng suspek tungkol sa kutsilyong ginamit niya sa pananaksak.
Sasampahan ang lalaki ng mga reklamong homicide at two counts of frustrated homicide.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News