Umaapela ang pamunuan ng San Lazaro Hospital sa mga lokalidad na buksan ang kanilang mga animal bite centers dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga nagpapabakuna laban sa rabies.
Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa "24 Oras" ngayong Martes, umabot na sa 3,000 na pasyente kada araw ang nagpapabakuna sa San Lazaro Hospital. Malayo ito sa 800 na kapasidad ng naturang pampublikong ospital.
"Umaapela po ako sa ating mga local government units na sana po yung kanilang animal bite treatment center ay handa po sa pag-surge ng pasyente po ngayon. Dapat po sila ay mayroong mga gamot para po [sa] anti-rabies," ayon kay David Suplico, officer-in-charge ng San Lazaro Medical Services.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos, ang bakuna laban rabies ay ibinibigay ng apat na beses pagkatapos makagat ng hayop na positibo sa nasabing virus.
Isa sa mga dumayo sa San Lazaro Hospital para magpabakuna ay si “Mia”, na nakagat ng alagang aso.
Nabahala ang dalaga pagkatapos makaramdam ng sakit sa kaliwang braso at biglaang namatay ang kanyang alaga.
“Kasi akala ko lang naman po normal scratch lang po,” sabi ng dalaga.
Bukod sa San Lazaro, nagaalok din ng libreng bakuna kontra rabies ang Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City at ang Amang Rodriguez Hospital sa Marikina City.
Ang rabies nakakaapekto sa utak ng tao kapag hindi naagapan agad. Ang incubation period ay maaring tumagal ng ilang linggo hanggang ilang buwan depende kung saan nakagat, ayon sa CDC. —Vince Ferreras/LDF, GMA Integrated News