Bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahan na "urgent" ang panukalang batas na mag-a-amyenda sa Rice Tariffication Law (TRL) upang payagan muli ang National Food Authority (NFA) na magbenta ng murang bigas.
Sa panayam ng Palace reporters, pinuna ni Marcos na tumataas ang presyo ng bigas dahil sa kompetisyon ng mga trader sa pagbili ng palay sa mataas na halaga.
“It is something that has come up, so that… ang problema kasi, kaya tumataas ang presyo ng bigas dahil ang mga trader ay nagcocompete, pataasan sila ng presyuhan sa pagbili ng palay at wala tayong kontrol doon,” ayon kay Marcos.
“Kung magkaroon ng amendments sa… NFA charter at Rice Tarrification Law, magagawan natin, makokontrol natin, may influence tayo sa presyuhan sa pagbili ng palay at pagbenta ng bigas,” dagdag niya.
Nang tanungin kung sesertipikahan niya ang panukalang batas bilang "urgent," tugon ng pangulo, “Yes, I think it justifies the urgent certification.”
Sa ambush interview, itinuturing ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel de Mesa na welcome development ang pahayag ng pangulo.
“We welcome, of course, na ma-amyendahan ‘yung Rice Tariffication Law. Again, mag-e-end na ‘yung RTL natin this year,” sabi ni De Mesa sa turnover ceremony ng chairmanship ng Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses (PhilCZ) sa DA sa Quezon City.
“Mas maganda kung na-certify siya as urgent ng ating mahal na Pangulo para mas mapabilis ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law,” dagdag ng tagapagsalita ng DA.
Una rito, inihayag ng DA ang suporta sa plano ni Speaker Martin Romualdez na amyendahan ang RTL para payagan ang NFA na bumili muli at magbenta ng bigas sa mas mababang presyo.
Bagaman walang katiyakan kung maabot ang presyong P20 per kilo sa bigas, sinabi ni Romualdez na ang layunin ng gagawin nilang hakbang ay maibaba ang presyo nito sa merkado na hindi nangyari kahit pinayagan ang rice importation sa RTL.
Kasama sa naging probisyon noong ipasa ang RTL ang pagbabawal sa NFA na umangkat ng bigas at ibenta sa mas mababang presyo sa merkado.
Pero mungkahi ng DA, huwag isagad sa murang halaga ang presyo ng bigas ng NFA. Kung nasa P50 per kilo ang halaga ng bigas sa merkado, maaari umanong gawin ng NFA na P40 per kilo ang kanilang bigas.
“‘Wag masyadong mababa ang presyo ng ibebenta kagaya ng P25 [per kilo] kasi masyadong malulugi nang malaki ang NFA. ‘Yan din kasi ang isa sa reasons kung bakit naipasa ang RTL na ini-alis ang kapangyarihan, dahil ang laki ng lugi ng NFA,” paliwanag ni De Mesa.
Batay sa datos ng DA, ang local regular milled rice ay nagkakahalaga ng P50 per kilo, at P48 hanggang P55 per kilo ang local well-milled rice.
Sa imported commercial rice, ang regular milled rice ay nasa presyong P48 hanggang P51 per kilo, habang ang well-milled rice ay nasa P51 hanggang P54 ang presyo. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News