Sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na may ilang retirado at aktibong high-ranking officials mula sa Philippine National Police (PNP) ang nangungumbinsi umano sa kanilang hanay para patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sa media briefing nitong Martes, sinabi ni Trillanes na kasama umanong kinukumbinsi ng naturang mga opisyal ng PNP ang ilang taga-Armed Forces of the Philippines (AFP) pero bigo sila.
"Meron pong mga na-identify na active PNP officials, active and retired actually, PNP officials na sumasama dito sa destabilization efforts. Pero base sa impormasyon natin, na-identify na sila and mahirapan na silang gumalaw," ayon sa dating senador.
Tumanggi si Trillanes, dating sundalo, na tukuyin kung kanino niya nakuha ang impormasyon, pero sinabi niyang mayroon siyang mga kaibigan sa Army.
Nang tanungin ang dating senador kung nasa active service ang kaniyang mga impormante o nasa tamang posisyon para sa naturang mga impormasyon, tugon niya, "yes."
Huwag Idamay ang PNP
Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na wala silang impormasyon na may aktibong opisyal ng PNP na sangkot sa destab plot laban sa gobyerno.
"Wala po tayong na mo-monitor na sino man na aktibong pulis na involve allegedly diyan sa sinasabing destabilization plot. At wala po tayong namo-monitor na destabilization plot for that matter," dagdag niya.
Nakiusap si Fajardo kay Trillanes na huwag isama ang PNP sa naturang isyu. Iginiit niyang nakatuon ang kanilang atensyon sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Sinong nasa likod ng destab?
Samantala, nang tanungin si Trillanes kung sino ang nasa likod ng destab plot, itinuro ng dating senador ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Ano na 'yan, kumbaga, it goes without saying. Hindi naman gagalaw itong mga ito pagka walang imprimatur ni Duterte, 'yung tatay. And makikita natin doon sa kaniyang mga public pronouncements. These are statements meant to agitate, to incite sedition and rebellion, at 'yun na 'yun," ayon kay Trillanes.
Tinawag naman ni Atty. Harry Roque, dating presidential spokesperson ni Duterte na, "hallucinations and hangover from his coup d'etat days," ang pahayag ni Trillanes.
Leak PDEA probe ng Senado
Ayon pa kay Trillanes, bahagi ng ouster plot ang ginagawang motu proprio investigation ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa, sa umano'y leaked confidential documents mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa naturang dokumento mula umano sa PDEA na lumabas, iniuugnay si Marcos at ilan pang personalidad sa paggamit umano ng ilegal na droga.
Itinanggi ng PDEA ang naturang dokumento, at tinawanan din lang noon ni Marcos ang alegasyon.
"This is part of the ouster plot. Naghahanap sila ng mga kadahilanan para i-ignite, 'no, i-agitate 'yung taong bayan at hopefully, papasukin sila ng mga aktibong general o opisyal ng Armed Forces para matuloy 'yung kanilang pag-power grab," sabi ni Trillanes.
Nilinaw naman ni Trillanes na hindi pinatutungkulan na bahagi ng ouster plot si Dela Rosa, na chairman ng komite na nagsasagawa ng imbestigasyon.
"I'm not saying that. I'm just saying, 'yung hearing itself, the way it's being conducted, part 'yun. Kasi alam niyo, nagsenador naman tayo, nag-imbestiga rin ako, hindi po ganyan. Hindi ka magko-conduct ng motu proprio Senate investigation na hindi naman national emergency," paliwanag niya.
''Di nagpapagamit kay Duterte'
Itinanggi naman ni Dela Rosa na ginagamit siya ni Duterte para imbestigahan ang umano'y leaked documents ng PDEA.
"I can never be used, I swear to God, nobody dictated me, not even President Duterte," giit ni Dela Rosa. "Si President Duterte hindi tumawag sa akin, wala man lang ni-hao-niho para sa kaso na ito, para sa imbestigasyon na ito. Cross my heart, hope to die! Tamaan ako ng kidlat ngayon kung ako'y tinawagan ni President Duterte."
Samantala, sinabi ni House Assistant Majority Leader Jeff Khonghun, na hindi patas para sa mga opisyal ng PNP ang alegasyon ni Trillanes.
"Si Trillanes ay pambansang Maritess. It is unfair for the generals, police. Huwag na idamay ang mga importanteng sangay ng pamahalaan na nagpapatupad ng batas. Huwag na lang mag-Maritess kung wala namang ebidensiya," sabi ng kongresista.
Payo naman ni House Assistant Majority Leader Migs Nograles, maghain ng impeachment complaint ang mga may nais na mapatalsik sa puwesto si Marcos.
"There's an impeachment process [sa pag-alis sa pangulo]. They are welcome to file if they feel they have enough grounds, but let us not make this a trial by publicity. We do not want destabilization. We want unity and peace," ayon sa mambabatas. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News