Nakatikim sa unang pagkakataon si Naoya Inoue na humalik sa canvas matapos siyang tamaan ng kaliwang suntok ni Luis Nery sa kanilang sagupaan sa Tokyo Dome sa Japan nitong Lunes. Pero nakabawi pa rin ang "The Monster" sa mga sumunod na round at itinanghal na kampeon pa rin.
Sa unang round pa lang, kapuwa nagpapakawala na ng matitinding suntok ang dalawa. Pero nang mahigit sa isang minuto na lang ang nalalabi sa round, isang kaliwang suntok ang tumama sa mukha ni Inoue na dahilan para bumagsak ang Japanese fighter.
Gayunman, nabigo si Nery na makakonekta muli nang malinis na suntok para tapusin na sana ang laban sa unang round.
Sa ikalawang round, nakabawi na ng lakas si Inoue at nagpakawala ng sarili niyang left hook na nagpabagsak kay Nery.
Naulit ang naturang tagpo sa ikalimang round ng kanilang laban. Makikita na ang kompiyansa ni Inoue sa pagpasok ng ika-anim na round na nagpatama sa mukha ni Nery ng kanang suntok upang bumagsak muli ang Mexicano at tuluyan nang itigil ng referee ang laban.
Ito ang unang pagkakataon na idinepensa ni Inoue ang kaniyang undisputed super bantamweight title.
Nanatiling malinis ang record ni Inoue sa 27-0 na 24 knockouts, habang bumagsak naman ang record ni Nery sa 35-2 na may 27 knockouts.
Noong nakaraang Disyembre, tinalo ni Inoue ang pambato ng Pilipinas na si Marlon Tapales sa pamamagitan ng 10-round knockout.—mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News