Nasawi ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng kaniyang sariling ama sa Navotas. Ang ugat ng krimen, ang pag-awat ng suspek sa away ng kinakasama ng biktima at pinsan.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing unang nagtalo ang kinakasama ng biktima at kaniyang pinsan sa kanilang lugar sa Barangay Tanza Dos.
Lumabas ang suspek mula sa bahay nito para awatin ang dalawang nag-aaway. Pero sinaway umano ng biktima ang kaniyang ama na huwag nang makialam.
“Itong victim nakialam din at inawat 'tong kaniyang tatay at sinabing 'wag na lang pakialaman. Iyun, naglabas ng kutsilyo, biglang sinaksak 'yung kaniyang anak sa dibdib,” ayon kay Police Major Albert Juanillo ng Navotas Police Station.
Isinugod sa ospital ang 35-anyos na biktima na idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng saksak sa puso.
Naaresto naman kinalaunan ang suspek na umamin sa ginawang krimen.
“Sinagot ako ng 'anong pakialam mo? Papansin ka pa. Banatan kita eh'. Parang nagpanting ang pandinig ko. Kinuha ko yung panghiwa ng sibuyas, 'yun na. Hindi na po kasi nabigla din ako sa salita n’ya eh,” paliwanag niya.
Labis naman ang pighati ng asawa ng suspek na siyang ina rin ng biktima.
“Hirap din po sa kalooban ko. Anak ko patay, asawa ko nakakulong,” pahayag niya. —FRJ, GMA Integrated News