Hinatulan na ng Las Piñas court ang self-confessed gunman na si Joel Escorial na makulong ng hanggang 16 na taon dahil sa pagbaril at pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa mensahe na ipinadala sa mga mamamahayag ng abogado ng pamilya ng biktima nitong Lunes, sinabing walong taon hanggang 16 na taon ang iginawad na parusa ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 laban kay Escorial.
“Hindi na-downgrade from murder to homicide pero nag-plea bargain as accomplice,” ayon kay Atty. Danny Pelagio.
Noong August 2023, hiniling ni Escorial sa korte na papasok siya sa plea bargaining agreement para maibaba ang kaniyang kaso sa homicide mula sa murder.
Ayon kay Pelagio, wala pang ponente sa naging hatol kay Escorial pero hindi na umano ito magbabago.
"Nag-set na ng conditions ang prosecution na tinanggap na ni Escorial. Nag-pose na rin ng clarificatory and confirmatory questions si judge. Nasa official transcript na mga 'yan ng court," paliwanag niya.
Sinabi naman ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy, na hindi sila titigil hanggat hindi naipakukulong ang lahat ng responsable sa pagpatay sa kaniyang kapatid.
“We entrust it to God in honor of the slain journalist, but our pursuit of justice won't cease until all the masterminds are behind bars,” ayon kay Roy.
Sinabi ni Pelagio na magkakaroon pa ng susunod na pagdinig sa June 24.
Oktubre 3, 2022 nang barilin habang nasa sasakyan si Lapid, o Percy Mabasa, sa Las Piñas City habang papunta sa kaniyang radio at online program na "Lapid Fire."
Itinuturong utak sa pagpatay kay Percy sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dati nitong BuCor deputy security officer na si Ricardo Zulueta.
WATCH: 2 bahay ni ex-BuCor Chief Bantag, sinalakay
Nagtatago pa rin si Bantag matapos magpalabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang korte kaugnay sa pagpatay kay Percy at sa inmate na umano'y middle man sa krimen na si Jun Villamor.
Namatay naman habang nagtatago si Zulueta noong March 15 dahil sa heart failure.
Naglaan ang Department of Justice (DOJ) ng P2 milyon pabuya sa makapagtuturo ng kinaroroonan ni Bantag.—mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News