Sa kabila ng pagiging “coffee is life” ng mga Pinoy na nagkakape kahit maalinsangan ang panahon, nagpayo ang mga eksperto na maghinay-hinay muna sa pag-inom nito. May masama nga bang epekto ang kape ngayong mas mataas ang mga antas ng heat index?
“Ang kape ay isang diuretic o pampaihi. Ang caffeine increases the production of urine. Kaya naman the more coffee you take, the more fluid your body excretes,” paliwanag ni Dr. Lyien Ho, primary care physician at occupational health physician sa ulat ni Eumer Yanga sa “Need to Know.”
Kaya paglilinaw ni Ho, dapat na limitahan ang pagkakape ngayong summer, at tiyaking uminom ng mas maraming tubig upang maiwasan ang dehydration.
Naglalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ng heat index forecast, o ang temperatura na nararamdaman ng ating balat.
Masasabing nasa dangerous level na ang heat index kapag umabot na ito ng 42 hanggang 51 degrees Celsius.
Payo ni Ho, bantayan ng publiko ang mga senyales na maaaring magdulot ng dehydration, gaya ng pagkauhaw at labis na pagpapawis.
“When we sweat, we lose water. Ang hot and humid weather ay nagiging dahilan ng labis na pagpapawis. And the amount of fluid you lose can cause dehydration,” anang physician.
“Kapag tayo ay na-dehydrate, maaaring makaranas ng madaling pagkapagod, pagkahilo, pananakit ng ulo, panunuyo ng ating bibig at balat, mabilis na pagtibok ng puso, kapos sa hininga, panghihina at marami pang iba,” pagpapatuloy niya.
Bukod dito, isa pang epekto ng dehydration ang heat cramps, o painful muscle spasms o pamumulikat, na unang senyales ng heat-related illness.
“Common itong nararanasan sa hands, arms, legs and feet. This happens because of fluid loss and electrolyte imbalance,” paliwanag ni Ho.
Ilan sa mga sintomas ng heat exhaustion ay headache, low-grade fever, increased thirst at sweating, body weakness, nausea, vomiting, dizziness o fainting.
Kapag ipinagwalang bahala, maaari itong humantong sa heat stroke, isang nakamamatay na medical emergency kung hindi agad maagapan.
Maaaring magdulot ito ng permanenteng pinsala sa katawan, kabilang ang utak at puso.
“Ang heat stroke ang most severe form ng heat illness kung saan, ang thermal o heat regulation system ng ating katawan ay hindi gumagana nang maayos. Hindi na nito properly ma-cool down ang temperature ng ating katawan. At sa ganitong pagkakataon, maaaring makaranas ng high-grade fever. Nakakaranas ng greater than or equal to 40 degrees Celsius na body temperature,” paliwanag ni Ho.
Ayon sa mga eksperto, tubig pa rin ang pinakamainam na solusyon sa pagpawi ng uhaw. Kailangan ng katawan ng dalawa hanggang tatlong litro ng tubig kada araw.
“Kung ikaw ay exposed na mahabang oras sa extreme temperature, maaaring uminom ng approximately 500 ml of water every 20 minutes. Para ito sa mga adults. Para sa mga bata naman, maaaring uminom ng at least 200 ml of water every 20 minutes,” sabi ni Ho. — VBL, GMA Integrated News