Tadtad ng mga sugat at pasa, namamaga ang mukha at halos hindi makapagsalita sa sakit ang isang walong taong gulang na babae dahil sa pambubugbog umano sa kaniya ng sariling ina na miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Calawag, Quezon.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing parehong miyembro ng CAFGU ang mga magulang ni “Miriam,” hindi niya tunay na pangalan, kaya siya nakatira sa kampo nito sa Bantolinao sa Calawag.
Sinabi ng DSWD Calawag na sa tuwing mag-aaway ang kaniyang mga magulang, ang bata ang pinagbubuntungan at sinasaktan umano ng kaniyang nanay.
Napag-alaman ding hindi ito ang unang pagkakataon na sinaktan ng ina ang bata.
Ayon sa pamunuan ng barangay, hindi nagsampa ng reklamo noong una ang tatay o ibang kaanak ni Miriam.
Kalaunan, pinagkasundo ang pamilya at ang mag-asawa na mapupunta sa kustodiya ng kaniyang lola ang bata.
Ngunit pagkaraan ng ilang buwan, muling kinuha ng kaniyang ina si Miriam, at muli niya itong sinaktan noong Mayo 1.
Halos hindi na makapagsalita sa sakit ang bata dahil sa tindi ng mga tinamo niyang sugat sa ulo, katawan at mukha. Puno rin siya ng takot.
Agad dinala ng DSWD sa doktor ang bata at sinigurong nasa mas maayos na siyang lagay.
Nananatili ang bata sa pangangalaga ng kaniyang lola.
Ayon pa sa DSWD, naghahandang magsampa ng reklamo ang ama ni Miriam.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga magulang at lola ng bata, ngunit tumanggi silang magbigay ng kanilang panig.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad, kabilang ang Philippine Army na nakasasakop sa patrol base ng CAFGU at tiniyak na pananagutin ang sinomang may pagkukulang. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News