Inihatid na nitong Biyernes ng gabi sa New Bilibid Prison (NBP) ang negosyanteng si Cedric Lee. Kaugnay ito sa hatol sa kaniya ng Taguig court, kasama si Deniece Cornejo at dalawang iba pa na guilty sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng actor-tv host na si Vhong Navarro.
Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News "Saksi," sinabing 9:00 pm nang dumating si Lee sa NBP sa Muntinlupa matapos ihatid ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City.
BASAHIN: Cedric Lee, Deniece Cornejo at iba pa, hinatulang guilty ng korte dahil sa illegal detention
Sumuko si Lee sa NBI nitong Huwebes ng gabi, ilang oras matapos lumabas ang hatol ng korte sa Taguig na nagpapataw sa kanila ng parusang reclusion perpetua o 40 taon na pagkakakulong.
Nauna nang dinala sa NBP ang kapuwa akusado ni Lee sa kaso na si Simeon Raz, habang sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City naman dinala ang modelo na si Cornejo.
BASAHIN: Vhong Navarro, nagbigay ng pahayag sa hatol na 'guilty' kina Cedric Lee at Deniece Cornejo
Patuloy namang hinahanap ang isa pa nilang kasamang hinatulan na si Ferdinand Guerrero.
Pagdating sa NBP, dinala si Lee sa Reception and Diagnostic Center (RDC) kung saan pormal siyang inilipat ng NBI.
Tahimik lang umano si Lee habang pinoproseso ang kaniyang dokumento. Ipinaalam din ng duktor ng NBI sa medical personnel ng NBP ang nangyaring pagtaas ng presyon ng dugo ni Lee.
Sa kabila ng kaniyang sitwasyon, tiwala si Lee na malalampasan niya ito kapag iniapela na nila ang naging desisyon ng Taguig City court.
Sa hiwalay na ulat ni John Consulta, sinabi ni Lee na minabuti niyang sumuko at magpakulong muna para mas makapagplano sila habang iniaapela nila ang kaso.
Iginiit niya na walang illegal detention na nangyari.
"The most nagkasakitan, nagkabugbugan dahil nang-rape siya [Vhong]. Hindi naman dapat masentensiyahan ng life imprisonment," ayon kay Lee.
Noong Marso 2023, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagbabasura sa mga kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro dahil sa kakulangan ng katibayan. --FRJ, GMA Integrated News