Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagsasagawa ng isang eksibit sa Senado para sa dalawang wikang nanganganib na maglaho.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing ito ang mga wikang Hatang Kaye ng mga katutubong Remontado sa Tanay, Rizal at General Nakar, Quezon; at Inata mula sa mga Ata ng Negros Occidental.
Bumisita ang ilang sa mga katutubo bilang kanilang pagsuporta.
Bukod dito, ipinakita rin sa exhibit ang ilan sa kanilang mga awitin, rituwal at produkto.
Sinabi ni KWF Commissioner Arthur Casanova na layunin ng eksibit na maipaalam sa pamayanan ang tungkol sa mga nasabing salita na hindi pa nababatid ng karamihan.
Hinimok ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda ang mga katutubo na huwag nilang hayaang mawala ang kanilang mayamang wika at kultura.
Hinikayat din ni Legarda ang ahensiya ng gobyerno na paigtingin ang mga proyekto at programang magpapasigla sa wika ng mga katutubo.
Samantala, idinaos din kamakailan ang Gabi ng Parangal 2024 ng KWF, kung saan kinilala ang mga piling manunulat na patuloy na nagpapalawig sa panitikang Pilipino.
Kasama rito sina UP Professor Dr. Jimmuel Naval, na binigyan ng Gawad Dangal ng Panitikan 2024.
Binigyan din ng parangal ang makata at premyadong manunulat na si Frank Rivera.
Kinilala rin ang mga nagwagi sa Talaang Ginto: Makata ng Taon at pati na rin sa Timpalak ng Tulang Senyas 2024. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News