Inararo ng isang provincial bus ang ilang concrete barrier sa EDSA Santolan sa Quezon City nitong Martes.
Isang pasahero ang nasaktan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.
Mag-aalas-singko ng umaga nangyari ang aksidente.
Kuwento ng driver, hindi siya pinagbigyan ng ilang sasakyan nang paakyat siya ng EDSA-Santolan flyover kaya't nabangga niya ang mga barrier.
Anim na concrete barrier at isang plastic barrier ang nabangga.
Sa tindi nang pagkakasalpok ay pumailalim sa bus ang ilang barrier habang natumba naman ang ilan.
Wasak naman ang bumper ng bus.
Galing daw Camarines Norte ang bus at maghahatid ng mga pasahero sa Cubao.
Tatlumpu ang bilang ng mga pasahero ng bus nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa dalawang pasahero, mabagal naman ang takbo ng bus bago ang insidente.
Nakalipat na sa ibang masasakyan ang mga pasahero.
Umabot ng mahigit isang oras ang pag-aalis ng mga barrier at ng bus sa daan. —KG, GMA Integrated News