Natupad na ang hangarin ng isang babae sa Peru na may malubhang karamdaman na payagan siya ng korte na pumanaw nang may dignidad--sa pamamagitan ng "euthanasia," o mercy killing sa tulong duktor.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Josefina Miro Quesada, abogado ni Ana Estrada, 47-anyos, na isinagawa ang euthanasia sa kaniyang kliyente noong Linggo.
May pambihirang kondisyon si Estrada na walang lunas na tinatawag na polymyositis. Tatlong dekada na niya itong taglay na sanhi ng paghina ng kaniyang muscle.
Nakaratay na siya sa banig ng karamdaman at ginagamitan ng ventilator para makahinga.
Noong 2016, dumulog sa korte si Estrada, isang psychologist, upang ipaglaban ang kaniyang karapatan na wakasan na ang kaniyang sariling buhay sa pamamagitan ng euthanasia upang pumanaw siya nang may dignidad.
Ilegal sa Peru ang euthanasia, o mercy killing.
Noong 2022, kinumpirma ng Korte Suprema ng Peru na binigyan nila ng konsiderasyon ang hiling ni Estrada dahil sa kaniyang kalagayan.
"Ana has left us grateful to all the people who helped give her a voice, who were with her through this fight and who supported her decision unconditionally, with love," ayon kay Miro Quesada.
Ilegal sa maraming bansa ang euthanasia, kabilang ang Peru, na mayorya ng populasyon ay Katoliko Romano. Sa Latin America, ilang bansa (ang Colombia, Ecuador at Cuba) ang pinapayagan ang euthanasia sa ilang kondisyon.
Sa panayam ng Reuters matapos ang tagumpay niya sa korte, umaasa si Estrada na magsisilbing "legal precedent" ang ginawa niyang pakikipaglaban sa kaniyang karapatan na pumanaw sa pamamagitan ng euthanasia.
Sa ilalim ng batas ng Peru, maaaring makulong ang sinumang tutulong sa isang terminally ill patient na wawakasan ang sariling buhay.
Bagaman hindi nangangahulugan na itinuturing nang "legal" ng Korte Suprema sa Peru ang euthanasia, nagpasya ang mga mahistrado na hindi paparusahan ang duktor na magbibigay ng gamot kay Estrada para sa kaniyang pagpanaw.
"There will come a time when I will no longer be able to write, or express myself," ayon kay Estrada. "My body fails, but my mind and spirit are happy. I want the last moments of my life to be just like this." --mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News