Nauwi sa pamamaril ang sigalot ng ilang customer na nagsimula sa banggaan sa loob ng banyo ng ilang isang bar sa Las Piñas City. Ang isa sa apat na biktima, kritikal ang lagay.
Sa ulat ni Marisol Abduraman sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage sa loob ng bar habang nagkakainitan na ang dalawang grupo ng mga nagkakasiyahan sa nasabing bar.
Ayon kay Colonel Sandro Jay Tafalla, hepe ng Las Piñas City Police, nagkabanggaan muna sa banyo ang ilang kasama sa magkabilang grupo.
“Nagsigawan, palitan ng 'di magandang salita hanggang itong isang grupo tumayo,” kuwento ni Tafalla.
Sandali umanong pumayapa ang sitwasyon nang mamagitan ang floor manager.
“Doon naman nag-hysterical itong babae na grupo ng mga biktima. Nagsisigaw hanggang itong isang suspek natin, itong alyas 'Boss' ay inutusan si alyas 'Dexter' na, 'barilin mo na 'yan! Barilin mo na 'yan,'” sabi ni Tafalla.
Apat ang binaril, kabilang ang isang babae na kritikal ang kalagayan matapos tamaan ng bala sa ulo.
Ayon sa awtoridad, kinasuhan ng frustrated murder sina Boos at Dexter, pati ang tatlong suspek na 'di pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Napag-alaman din ng pulisya na dati nang nasangkot sa kaso ang dalawang suspek.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang may-ari ng bar pero tumanggi ito. Ayaw na rin umanong magbigay ng pahayag ang mga biktima.
Ipinaalala naman ng mga awtoridad na bawal nagdala ng baril sa loob ng mga establisimyento.
“Ang pagdadala ng baril bawal po yan. Regardless sa kanyang katayuan sa buhay, military, police, bawal po yan kahit may permit to carry,” ayon kay Tafalla.--FRJ, GMA Integrated News