Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Martes, na mapalad siya sa pagkakaroon ng isang "very protective" na kabiyak na si First Lady Liza Araneta-Marcos.
"First of all, my first reaction is what a lucky husband I am that I have a wife na (who is) very protective sa akin (of me)," sabi ni Marcos sa ambush interview sa Occidental Mindoro sa harap ng hidwaan ng kaniyang asawa at si Vice President Sara Duterte.
Hindi umano masisisi ni Marcos ang kaniyang kabiyak na magalit kapag may nadidinig na mga batikos laban sa kaniya.
Sa isang online interview nitong nakaraang linggo, inamin ng Unang Ginang na nasaktan siya nang tumawa umano si VP Sara sa pahayag ng ama ng huli na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na "bangag" si Marcos.
Nangyari ang naturang patama ng dating pangulo sa kasalukuyang Punong Ehekutibo sa isang pagtitipon sa Davao City noong nakaraang Enero.
Kamakailan lang, inilarawan ni Marcos na "complicated" ang relasyon niya sa pamilya Duterte. Pero sa kabila nito, sinabi ng pangulo na maayos ang relasyon nila ni VP Sara.
"I think that she also understands how the First Lady feels, when you have to sit there and listen to these attacks that are being made against your husband," ani Marcos.
"But mag-uusap kami ni VP Sara tungkol diyan. Huwag niyang masyadong dibdibin, hindi naman siya 'yung mga nagsabi ng kung anu-ano. Madali naman sigurong plantsahin 'yung isyu," dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Marcos na wala siyang nakikitang dahilan para palitan si VP Sara bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
''Any of the Cabinet secretaries will be replaced kapag hindi nila ginagawa 'yung trabaho nila. All the other things are not part of the discussion," paliwanag niya.—Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News