Walang nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para alisin niya si Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education, at miyembro ng kaniyang Gabinete.
Ginawa ni Marcos ang pahayag nitong Martes, sa harap ng iringan nina Duterte at First Lady Liza Araneta-Marcos.
''Why? I don't see the reason behind that,'' sabi ni Marcos nang matanong kung aalisin niya sa Gabinete si Duterte makaraang isapubliko ng kaniyang kabiyak na si Liza na "bad shot" sa kaniya ang bise presidente.
''Any of the Cabinet secretaries will be replaced kapag hindi nila ginagawa 'yung trabaho nila. All the other things are not part of the discussion," paliwanag ng pangulo.
"Kapag hindi talaga marunong o corrupt, tatanggalin ka talaga namin. Hindi naman ganoon si Inday,'' dagdag pa niya.
Unang iniulat na sumama ang loob ng Unang Ginang kay Duterte dahil sa pagtawag ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na "bangag" si Marcos sa isang pagtitipon sa Davao City.
Sabi pa ng Unang Ginang, tumawa pa umano si VP Sara sa pahayag ng kaniyang ama.
Sa kaniyang pahayag nitong Lunes, sinabi ng bise presidente na nauunawan niya ang saloobin ng Unang Ginang, pero wala umano itong kinalaman sa kaniyang trabaho bilang pangalawang pinakamataas na opisyal sa bansa.
Nais ni VP Sara na hayaan na lang ang naturang usapin nila ni FL Marcos, at kakausapin na lang niya nang personal ang pangulo.—mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News