Bilang asawa ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., may plano nga ba si First Lady Liza Araneta-Marcos na tumakbo sa eleksyon gaya ng pagiging senador?
Sa panayam sa "TUNE in kay Tunying" online program na ipinost nitong Biyernes, natanong ang Unang Ginang tungkol sa alegasyon na gagamitin ng Palasyo ang Charter Change para magtagal sila sa kapangyarihan.
"My favorite is, 'Oh I'm doing [outreach work for] Lab for All because I'm going to run for Senate.' Sabi ko pati ba naman 'yan nilagyan ng... kasi tatakbo ako, ganyan ganyan. Sabi ko parang ang layo niyan," paliwanag niya.
Ayon kay Gng. Marcos, nang lumipat siya sa Ilocos mula sa New York, may mga espekulasyon din noon na kakandidato siya sa lokal na posisyon, habang gobernador noon ang kaniyang mister.
"Nine years kami diyan, every election, kesyo na-suspend ito, tatakbo ako, either way, namatay, ako tatakbo. Gusto ko sabihin because I teach election law, alam mo kayo, hindi ako registered voter. Mag-isip naman kayo ng kaunti. Extend your brain just a little bit," pahayag niya.
Pero nang tanungin kung pumasok ba sa isip niya na kumandidato, sabi ng Unang Ginang, "To run? Me? I get the mayor's name wrong. I can't... You know, politics. Look at Sandro, magaling siya mag..., di ba, British. Ako, I just talk. I just joke and it's the wrong way."— mula sa ulat ni Joviland Vita/FRJ, GMA Integrated News