Isang sawang mahigit 10 talampakan ang haba ang nahuli sa Barangay Talayan sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Tulong-tulong ang mga eco aide ng barangay sa paghuli sa sawa noong Miyerkoles ng hapon.
Kuwento ng eco aide na si Noel Josep, naglilinis sila sa garden ng barangay nang makita nila ang ahas.
Isinilid daw nila ang sawa sa sako at dinala sa barangay hall, kung saan inilipat ito sa isang kulungang may screen.
Ite-turn over na sana ng barangay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ahas nitong Huwebes ng umaga pero nakawala na pala ito.
Patuloy pang hinahanap ang nasabing ahas. —KBK, GMA Integrated News