May kakaibang gimmick ang isa sa mga suspek sa pagnanakaw ng isang kotse, na umakyat sa puno para magtago sa mga awtoridad sa Washington, US. Ngunit ang kaniyang estilo, nabulilyaso pa rin.
Sa video ng Pierce County Sheriff’s Department, na mapapanood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang nauwi sa habulan ang nabistong pagnanakaw ng sasakyan ng mga suspek, kung saan ginamit nilang getaway car ang kanilang tinangay na kotse.
Ngunit nang malapit na silang makorner, inabandona na nila ang sasakyan at nag-umpisa silang tumakbo sa gubat.
Sinubukan ng isa sa mga suspek na magtago sa isang silong ngunit nahuli rin agad ng mga awtoridad.
Ang isa niya namang kasabwat, umakyat sa puno dahil sa kagustuhang magtago sa mga awtoridad.
Gayunman, hindi alam ng salarin na kitang kita pa rin siya ng aviation unit.
Tila nagpaka-koala bear pa ang lalaki para lang makapagtago, ngunit hindi gumana sa mga awtoridad ang kaniyang paandar.
Sa isang banda, nagmatigas pa ang lalaki at ayaw bumaba sa puno.
Hindi naman matukoy ng mga awtoridad kung natatakot ang lalaki na sumuko o makagat ng aso.
Kalaunan, napakiusapan din ng SWAT Team ang lalaki na bumaba na mula sa puno.
Agad ding pinosasan ang suspek bago siya tuluyang dinala sa kustodiya ng mga awtoridad.
Malaki ang pasasalamat ng mga awtoridad sa tulong ng ibang units upang madakip ang suspek. — VBL, GMA Integrated News