Para matapos na umano ang usapin sa hinalang gumagamit ng ilegal na droga, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na dapat sumailalim sa "credible hair follicle drug test" ang dati niyang "boss" na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Ginawa ni Rodriguez ang pahayag sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Martes, nang matanong tungkol sa sinabi ni Marcos noong Enero, na hindi niya bibigyan ng halaga ang alegasyon na gumagamit siya ng ilegal na droga
"That's not dignifying, it's heeding the call and the clamor of the Filipino people," sabi ni Rodriguez, na nagbitiw sa kaniyang puwesto bilang executive secretary ni Marcos noong 2022 para mas makapaglaan umano ng panahon sa pamilya.
"You know, if you have nothing to hide, it's simple, just undergo a credible hair follicle drug test," dagdag pa ni Rodriguez.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng Malacañang tungkol sa pahayag ni Rodriguez.
Kasama si Rodriguez sa mga dumalo sa Tagum City rally nitong Linggo, na pinangunahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan muling binanggit ng huli ang umano'y paggamit ni Marcos ng ilegal na droga.
Noong Enero, tinawag ni Duterte na "bangag" si Marcos, pero binawi rin niya ang pahayag noong Pebrero at sinabing hindi niya inakusahang gumagamit ng ilegal na droga ang kasalukuyang presidente.
Nitong Lunes, inilarawan ni Marcos na "complicated" ang relasyon niya sa mga Duterte, pero maayos naman daw ang samahan nila ni Vice President Sara Duterte.
Kasabay nito, nanindigan si Rodriguez sa resulta ng negative drug test result ni Marcos na siya mismo ang nagpresinta sa media noong 2021, na kandidato pa lang na pangulo si Marcos.
“Ako ay nakakaladkad, [na] ako ay nagpakita ng pekeng resulta noong 2021. Sasabihin ko sa lahat na aking pinanindigan ang resulta na aking pinakita noong 2021 na negatibo si then BBM, 'yung kandidatong BBM,” paliwanag niya.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News