Itinaas umano ni Luis "Chavit" Singson nitong Lunes ang "premyo" na ipinangako niya para sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagpapatupad ng batas nang sitahin ang kaniyang convoy nang dumaan siya sa EDSA Busway.
Nagtungo si Singson sa tanggapan ng MMDA office sa Pasig City para magbayad ng violation tickets at ibigay ang pabuya.
"Nakita ninyo yung sinabi ko sa nag-interview na magbibigay ako ng P100,000 na papremyo sa mga nanghuli, at dahil ilang araw na nangyari, gagawin kong P200,000 ang ibibigay ko,” saad ng dating gobernador ng Ilocos Sur sa Facebook post.
Ayon kay Singson, binayaran niya ang violation tickets ng kaniyang driver at ibinigay ang pabuyang P200,000 sa mga traffic enforcer na sumita sa kaniyang convoy.
“This prize was properly received by the accounting and made with receipt. This cash prize could also be used as a support and improvement to the system of MMDA,” paliwanag ni Singson.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag ng MMDA tungkol sa sinabi ni Singsong.
Abril 8 nang sitahin ang convoy ni Singson dahil sa pagdaan sa EDSA Busway sa bahagi ng Cubao.
Inamin naman ng dating gobernador ang pagkakamali at pinuri ang mga traffic enforcer sa pagpapatupad ng kanilang trabaho.— FRJ, GMA Integrated News